TITSER ni : Liwayway Arceo Bautista

 


                                 TITSER

               ni: Liwayway Arceo Bautista


I. PANIMULA

 A. Kahulugan ng pamagat

         Sa nobelang ito na titser ay pumapatungkol sa kwento ng dalawang guro na may nabuong pagmamahalan sa bawat isa , sa katauhan nina Mauro at Amelita na buhat sa kanilang pagmamahalan ay pilit na tinututulan dahil sa pangmamaliit sa kanilang propisyon.

B. Pagkilala sa may akda:

        Si Liwayway Arceo Bautista ay itinuturing na isa sa mga pinakamahusay na kuwentistang babae. Palagiang manunulat siya sa magasing Tagalog na Liwayway. Maybahay siya ni Manuel Prinsipe Bautista, isa ring manunulat at makata sa wikang Tagalog. Noong 1962 ay nanalo siya ng Palanca Award sa kanyang kuwentong Banyaga. Ang kanyang Uhaw ang Tigang na Lupa ay nagkamit din ng pangalawang gantimpala sa Palanca Memorial Awards for Literature at nagkaroon din ng palanca award ang kwentong "Canal dela Reina".


C. Mga tauhan:

Amelita - ang protagonista sa nobela, bunso sa limang magkakapatid, isang mabait atmagandang guro sa pampublikong paaralan sa haiskul sa kanilang nayon, larawan siya ng isang babaeng may sariling pagpapasya at matapang na paninindigan.

 Mauro - isang guro ng pampublikong paaralan sa haiskul sa kanilang nayon, ang lalaking iniibigni amelita, may sariling paninidigan at pagpapasya, bagama’t hinahamak ang kanilang propesyon ay hindi parin ito nagsisisi sa napiling larangan, dahilan sa likas at tunay ang hilig nito sa pagtuturo.

Aling Idad -isang maunawain at maalalahaning ina nila Peping, Dado at Mauro, bagama’t anak-dalita ang kanilang pamilya, hindi parin ito naging hadlang upang sila ay sumaya.

Rosalida/ lida - panganay na anak nila mauro at amelita, isang pantas at bibong bata.

Aling Rosa - ina nila Norberto, Jose, Lourdes, Felisa at Amelita. Isang ordinaryong ilaw ngtahanan na na mataas ang pangarap para sa kanyang mga anak. Ngunit dahilan sa mga matatayog na pangarap nito para sa mga anak.

Mang Ambo - ang asawa ni Aling Rosa. Maunawain na ama ni Amelita na mas nakakaintindi kaysa sa kanyang ina.


Osmundo - ay isang makisig na binata, nagmula sa isang mayaman at respitadong pamilya. Umiibig sya kay Amelita ngunit ayaw sa kanya ni Amelita dahil siya ay arogante at maka-mundo.

D. Talasalitaan:

Himutok- Hinaing                                                                                                                                

   Hapis- Lungkot                                                                                                                                 

  Banayad- Katamtaman                                                                                                                    

Nangatal- Panginginig ng tinig dahil sa tindi ng takot                                                                 

 kahulilip - kapantay             

II. BUOD:

    Ang nobelang Titser ni Liwayway Arceo ay sumesentro sa buhay ng mag-asawang Amelita at Mauro na kapwa pinili ang propesyon ng pagtuturo. Nakapokus ang naratibo sa mariing di-pagsangayon ni Aling Rosa, ang ina ni Amelita, sa pagsasamahan ng dalawa. Sapagkat ang kanyang apat na anak ay nakapagtapos sa kolehiyo ng may "titulo," tutol si Aling Rosa sa pagkuha ng kursong edukasyon ng kanyang bunso, dala na rin ng kaisipang hindi titulong 

maituturing ang pagiging "titser", bukod pa sa kakarampot na sweldong nakukuha ng anak. Gayunpaman, nakahanap ng pag-asa si Aling Rosa sa katauhan ni Osmundo, isang binata mula sa pamilya ng mga haciendero na sumusuyo kay Amelita. Subalit nabigo muli si Aling Rosa sapagkat iba ang iniibig ng kanyang dalaga, at ito'y walang iba kung hindi si Mauro, isang ring guro sa pampublikong paaralan.

   Nang malaman na ipapakasal siya ni Aling Rosa sa binatang si Osmundo, agad na nagkipagisang dibdib si Amelita kay Mauro. Dahil sa pagkabigo, at dahil na rin sa poot sa bunsong anak, umalis si Aling Rosa sa probinsya at nagbakasyon sa mga anak na nasa Maynila. Bagamat doon ay hindi siya inaaasikaso ng mga anak, labis pa rin ang kanyang kaligayahan dahil sa asensong tinatamasa ng mga ito, at ikinakatwiran na lamang sa sarili na talagang abala ang mga taong mauunlad ang buhay. Samantala, sa probinsya, nagdesisyon rin ang binatang si Osmundo na umalis na sa nayon at magtungo sa Estados Unidos. Ngunit bago mangyari ito ay gumawa siya ng maitim na plano laban sa mga bagong kasal. Inutusan niya ang isa sa mga katiwala na patayin si Mauro. Subalit wala sa kaalaman ni Osmundo na hindi ito ginawa ng kanyang inutusan sapagkat ang anak nito ay minsan ring pinagmalasakitan ng gurong si Mauro. 

  Nasa ikapitong buwan pa lamang ng pagdadalantao si Amelita nang ipinanganak ang kanilang anak na si Rosalida. Dahil kulang sa buwan ang bata ay kailangan nitong manatili sa ospital. Nalaman ito ni Aling Rosa at agad na binisita ang anak, sa kabila ng hinanakit. Kahit ganito ang 

sitwasyon, hindi pa rin tumitigil ang ina ni Amelita sa pagsasaring ukol sa mahirap na pamumuhay ng mag-asawa. Ipinamumukha pa rin niya ang matinding pagtutol sa manugang na si Mauro. 

  Lumipas ang ilang taon. Lumaki si Rosalida na isang mabait at matalinong bata. Isang araw ay nagbalik si Osmundo sa probinsya, at nagkaroon ng malaking pagdiriwang para sa kanyang pagdating. Doon muling nagkatagpo sina Mauro at Osmundo, subalit kinalimutan na ng dalawa ang nakaraan. Taliwas naman dito ang nadaramang pangamba ni Amelita sa pagbabalik ng masugid na panliligaw. Nararamdaman nitong may plano itong masama laban sa kanyang pamilya. 

      Hindi pa rin nawawala ang pag-ibig ni Osmundo kay Amelita, kahit na may asawa't anak pa ito. Nagkaroon ng pagkakataong makilala niya si Rosalida, at naging magaan ang loob nito sa bata. Isang araw ay naisipang ipasyal ni Osmundo si Rosalida sa kanyang hasyenda. Wala ito sa kaalaman nina Mauro at Amelita, at labis na nag-alala ang mag-asawa. Buong akala nila'y si Rosalida ang paghihigantihan ni Osmundo ngunit di naglaon ay nagbalik rin ang bata, ipinagmamalaki pa ang kabaitang ginawa ni Osmundo. Di nagtagal, napagkuro na rin ni Osmundo na tuluyan ng tumira sa ibang bansa at kalimutan ang minamahal na si Amelita. 

       Nagkaroon ng malubhang karamdaman si Aling Rosa. Hinanap niya ang kanyang mga anak ngunit wala ni isa mang dumating maliban kay Amelita na matiyagang nag-asikaso sa kanya. Pawang gamot at padalang pera lamang ang ipinaabot ng apat na anak. At doon natauhan ang matanda sa kanyang pagkakamali. 

III. PAGSUSURI:

A. Layunin ng may akda:

Ang layunin ng may-akda ay maipabatid sa mambabasa na hindi lamang materyal na bagay o mamahaling bato ang kayamanan sa mundo, na maaring makapagpasaya sa isang tao.Kundi ang totoong pagmamahal, pag-agapay, pagtulong sa nangangailangan, paninindigan at maging ang mga taong nakapalibot at patuloy paring nagtitiwala at nagmamahal sa iyo, ay maituturing na isa ng tunay na kayamanan na higit pang mas mahal kaysa sa hiyas. Mahal ito dahil hindi ito kailanman mabibili ng bilyun-bilyong salapi. Nais din ng may-akda na ipakita na hindi mabuti sa isang tao ang manghamak ng propesyon, 

B. Tema ng Paksa:

 Ang tema ng nobelang Titser ay pumapatungkol sa paninindigan ng dalawang taong naging pangunahing tauhan sa kanilang napiling propisyon mula sa pangmamaliit ng kanilang ina,  gayun din sa pagtutol mula sa kanilang pagmamahalang nabuo at ipinaglaban.

C. Istilo ng paglalahad:

May mahusay na pagkakalahad ang may akda sa   buong kwento mula sa umpisa hanggang sa wakas , naipakita at naiparamdam sa mga mambabasa ang naging paninindigan ng pangunahing tauhan mula sa kanilang napiling propisyon at pagmamahalan. hindi sila nagpadala sa sinasabi ng iba. Ipinakita din dito kung paano tinutulan at kung paano rin sila minahal ng kanilang mahal sa buhay sa bandang huli na nagpaantig sa damdamin ng mambabasa.


D. Pansin at Puna:

Makikita sa nobelang ito ang naging pangyayari na minsang nagaganap din sa tunay na buhay tulad ng pangmamaliit ng iba sa isang propisyon at magiging materyalistik na tao. Gayun din ang isa nangyayari din sa tunay na buhay ay ang pagtutol ng mga magulang na makapangasawa ng mahirap ang kanilang mga anak , 

IV. PAGPAPAHALAGA AYON SA NILALAMAN:

A. Kalagayang Sosyal:

Makikita sa nobelang ito ang pagkakaiba-iba ng kalagayang sosyal ng mga naging tauhan, tulad nalang nina Mauro at Amelita sila ay mga lesinsyadong guro na nagtuturo sa pampublikong paaralan . Sila rin ay matuongin sa mga taong nangangailangan. Samantalang si Osmundo naman ay isang mayamang hacienderong arogante na mapagmataas. At ang mga kapatid naman ni Amelita ay mayroon ding magagandang trabaho sa syudad ngunit wala namang pakialam sa kanilang mga magulang.

B. Kulturang Pilipino: 

Pagiging matulungin at mapagmahal nina Mauro at Amelita gayundin ang kanilang pagkakaroon ng paninindigan kung sila ay nasa tama. 

V. TEORYANG PAMPANITIKAN:

Teoryang Humanismo

Ipinapakita ang tao bilang sentro ng mundo. Binibigyang-tuon ang kalakasan at mabubuting katangian ng tao. Binibigyang pansin din ang mga saloobin at ang magagandangdamdaming taglay ng isang tauhan. Si Amelita ay isang magandang halimbawa, may paninindigan sapagkat sinunod niya ang sarili niyang desisyon at matulungin dahil inaabonohan niya ang matrikula ng  ng ilang mag-aaral niya.

Teoryang Romantisismo

Pag-iibigan nina Mauro at Amelita na pilit na tinututulan ng ina ni Amelita sapagkat parehas sila ng propesyon. Walang patutunguhan ang kanilang pag-iibigan dahil hindi sila magiging maunlad at tunay na liligaya. Sa kanilang pagmamahalan ay biniyayaan sila ng babaeng anak  na minahal nila nang lubos at mas tumindi ang pagmamahalan ng mag-asawa nang dumating si Osmundo. Pinatunayan nila na hindi magiging hadlang si Osmundo sa kanilang matatag na pagmamahalan.


Teoryang Realismo

Tumatalakay sa realidad ng buhay na may kaugnayan sa makatotohanang pangyayari sa bawat indibidwal. pinakikita dito na hindi madali ang pagiging isang guro, na binigyang buhay ng mga pangunahing tauhan na sina Mauro at Amelita. Naging pahirap din kay Amelita ang pagpili mula sa kagustuhan ng kanyang ina at sa kanyang propesyon at pagmamahal. ngunit nangibabaw parin ang kanyang ninanais , sa huli ay napagtanto ng kanyang ina na hindi matutumbasan ng kayamanan ang kaligayang kanyang nararanasan mula sa kanyang anak.

VI. BISANG PAMPANITIKAN:

A. Bisa sa Isip

 kailangang laging isasaisip na ang kaligayahan mula sa propesyon mong ginusto ay hindi ito matutumbasan ng ano mang yaman kung wala naman dito ang iyong loob .

B. Bisa sa damdamin:

kung mahal mo ang isang tao kahit naba ito ay isang simpleng guro lamang ay liligaya ka magiging maayos ay inyong buhay. Samantala sa iyong magulang naman kahit na ba ito ay tutol sa iyong ginusto ay kailangan mo parin siyang alagaan at mahalin dahil siya ang nagbigay saiyo ng buhay. tulad ng ginagawa ni Amelita sa kanyang ina.

VII. ARAL

Sa pagiging mabuting tao at pagtulong sa kapwa ay hindi sa lahat ng bagay ay kailangang ikaw ay mayaman, dahil tulad ni Mauro kahit na siya ay simpleng guro lamang ay tinutulongan niya ang ilan sa kanyang mga estudyante para makapag patuloy sa pag-aaral.

Sa pagiging magulang , hindi sa lahat ng bagay ay kailangang panghimasukan ang gusto ng mga anak, tulad nalang pagkakaroon ng gustong propesyon. hindi magiging masaya ang isang tao kung hindi nila gusto ang kanilang trabaho.





                                                                                             

  


Comments

Popular posts from this blog

PAGSUSURI NG PELIKULA " MAGNIFICO""